Monday, 15 July 2019

Sintesis

Epekto ng Basura sa Kapaligiran


Hindi na bago sa mga Pilipino ang ideya na ang kaunlaran ay nagdudulot ng pagkasira ng kapaligiran. Ayon sa popular na kanta ng Asin, hindi masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan. Ngunit kung ikaw na ordinaryong tao ang tatanungin, gaano ba kalaki ang kontribusyon mo sa pagkasirang ito? Karaniwan na sa kanayunan ang pagsusunog ng basura sa paligid ng bahay pagkatapos silang walisin at ipunin sa isang tabi. Imbes na sunugin, ano naman ang maaari nilang gawin dito? Ibaon sa likod ng bahay para maging pataba? Paano naman ang mga basurang hindi nabubulok kaagad sa ilalim ng lupa? Saan sila itatambak? Ang suliranin sa pagtatapon ng basura ay isa lamang sa maraming usaping pangkalikasan, at ito ang totoong kaakibat ng pag-unlad ng lipunan. Sa pag-unlad ng lipunan, dumarami ang mga produktong nalilikha ng tao: mga produktong nakakatulong sa pagpapagaan sa proseso ng pagtatanim ng palay at iba pang pinagkukunan ng pagkain; mga produktong nakakapagpadali sa pagdadala ng mga produktong agrikultural; mga produktong nakakapagpaginhawa sa pamumuhay at sa mga gawain sa loob ng tahana; mga produktong nagbibigay saya o mga produktong pang-sining; mga produktong nagluluwal ng iba pang produkto; at marami pang klase ng produkto na nalilikha sa sangkatauhan. Ang pananagutan sa problemang basura ay nakatuon sa kung sino ang lumilikha at nakikinabang sa paglikha nito. Kahit sa basura sa hangin na nagdudulot ng pagbabago ng klima (climate change), ang may pananagutan ay ang mga mayayamang bansa na siyang may pinakamalaking volume na ibinuga at patuloy na ibinubugang greenhouse gas, hindi ang Pilipinas na mas maliit pa sa 1% ang ambag nito. Ang lumilikha at yumayaman ang may pananagutan at sila ang dapat singilin para sa pagbubuo ng mga imprastruktura para ayusin ang pagtatapon ng basura. At bago natin makalimutan, mayroong gobyerno para gawin ang lahat nang ito.

No comments:

Post a Comment